Pinaaalis na ng Kamara ang ipinapataw na system loss sa singil sa kuryente ng mga electric companies sa mga consumers.
Isinusulong sa House Bill 160 na inihain nina SAGIP Party-list Reps. Rodante Marcoleta at Caroline Tanchay na tuluyang alisin o kaya ay babaan ang ipinapataw na systems loss sa kinukunsumong kuryente ng publiko.
Inaamyendahan ng panukala ang Anti-Pilferage of Electricity and Theft of Electric Transmission Lines/Materials Act of 1994 o ang Republic Act 7832 kung saan pinahihintulutan dito ang pagpapataw ng systems loss charge na 14% para sa rural electric cooperatives at 9.5% para sa private electric utilities.
Itinuturong dahilan sa mataas na singil din sa kuryente ay ang pagpapasa ng mga electric utilities sa mga consumers sa naturang system losses.
Katunayan, 5.6% ng electricity bill ng isang average residential consumer ay system loss at system loss tax.
Paliwanag pa sa panukala, ang pag-aalis o pagpapababa sa cap ng system losses ay hindi magpapalugi sa mga power firms bagkus ay magiging ‘life-saving’ ito para sa mga consumers lalo na sa mga mahihirap at marginalized na pamilya.