Posibleng tumaas ang singil sa tubig.
Ito’y kapag ipinasa ng Water Concessionaires sa mga konsumidor ang gagastusin sa sewerage projects.
Matatandaang naglabas ng desisyon ang Korte Suprema na nagmumulta sa Manila Water at Maynilad ng tig-921.5 Million pesos kahati ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System dahil sa kanilang kabiguang maglagay ng sewerage treatment facility alinsunod sa Philippine Clean Water Act.
Ayon kay citizens watch Philippines Convenor, Atty. Teofilo Abejo, inaatasan din ng SC ang mga Water Concessionaires na tapusin ang sewerage projects sa loob ng limang taon.
Sa ilalim ng concession agreement, ang mga gastos ng Water Concessionaires sa mga aprubadong proyekto nila ay pwedeng ipasa sa consumers.
Pero sinabi ni MWSS Chief Regulator Patrick Ty, dumadaan ito sa masusing pag-aaral.
Hindi naman hahayaan ng MWSS na sobrang laki ang madadagdag sa water bill ng mga konsumer.
Sa ngayon ay hindi pa natatanggap ng Maynilad, Manila Water at MWSS ang kopya ng kautusan ng Korte Suprema.