Gagawin na lamang isa ang bus route sa EDSA.
Ito ang sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Spokesperson Assistant Secretary Celine Pialago sa Laging Handa public press briefing.
Ayon kay Asec. Celine, ipatutupad ito sa Metro Manila kapag tuluyan na tayong isinailalim sa General Community Quarantine (GCQ) na kasama sa tinatawag na ‘new normal’.
Paliwanag nito, mula sa 61 bus routes sa EDSA, gagawin na lamang itong iisa o tanging mga bus lamang na ekslusibong bumabyahe sa EDSA ang papayagang makadaan sa nasabing highway habang ang ibang bus na nakakadaan noon sa EDSA ay magkakaroon na ng hiwalay at dedicated bus routes.
Kung dati aniya ay nasa 4,000 city buses ang nakadadaan sa EDSA pero kapag naipatupad na ang pagbabago ay nasa 2500 buses na lamang ang maaaring makadaan sa kahabaan ng EDSA, at ito ay ‘yong may biyahe lamang ng mula Monumento patungong MOA at vice versa.
Sa nasabing “rationalized routes”, mapapaikli ang mga ruta at mas mapapabilis ang biyahe ng mga bus at iba pang Public Utility Vehicles (PUVs).