Pinaplantsa na ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Metro Manila Council (MMC) at ng Land Transportation Office (LTO) ang planong pagpapatupad ng Single-Ticketing System sa National Capital Region.
Ayon kay MMDA Chairperson Romando Artes, ilang minor details pa ang tatalakayin ng technical working group sa Enero ng susunod na taon.
Sa ilalim ng Single-Ticketing System, magiging unified o pare-pareho na ang multang ipapataw sa mga motoristang lalabag mga batas-trapiko.
Nagkasundo rin ang labing-pitong alkalde sa Metro Manila na huwag nang kumpiskahin ang driver’s license ng mga traffic violator.
“Unang-una, unified na po yung penalties. We identified 20 common violations na ang mga multa po niyan ay magiging pare-pareho na sa loob ng Metro Manila. Pangalawa po, hindi na kailangang kumpinsahin ng mga LGU yung lisensya, dahil ang katwiran po ng LGUs tama naman po sila, kung hindi po kasi sila nag-kumpisa ng lisensya, wala po silang way of enforcing yung pag-impose ng multa,” paliwanag ni Artes.
Dagdag pa ni Artes, malaking ginhawa rin ito para sa mga motoristang galing sa probinsya dahil pwede na silang magbayad ng multa online.
“Para naman po sa mga motorista, beneficial po ito dahil kung ikaw ay galing sa malayong probinsya nahuli ka ng LGU, kailangan mo pang bumalik doon sa LGU para tubusin ang lisensya. Dito po pwede na pong magbayad sa mga bayad centers o online,” saad niya.
Target na masimulan ang pagpapatupad ng Single Ticketing System sa unang kwarter ng 2023.