Ikinatakot ng mag-asawa mula Australia nang mapansing nawawala ang kanilang wedding ring.
Ayon sa ulat, lumipat ng bahay sa Melbourne ang hindi kinilalang mag-asawa at dahil dito ay itinapon nila ang ilang bags ng basura sa Stonnington waste collection noong Sabado.
Ilang sandali pa ay naalala ng mag-asawa na naitapon din nila ang isang maliit na jewelry box na naglalaman ng singsing na aksidente nilang naisama sa mga itinapong basura.
Dahil dito ay agad nilang tinawagan ang collection center at bandang alas 4:00 ng madaling araw ay nagpasya silang sundan ang truck ng basura.
Sa tulong ng mga kolektor at ng city council workers, binuksan ang truck na naglalaman ng 67,200 pounds na basura gaya ng mga sirang gamit, mga kahon, at sa di kalaunan ay natagpuan ang isang kulay pink na trash bag na nagmula sa mag-asawa.
Nang halungkatin ay nakita ang maliit na jewelry box na naglalaman ng kanilang espesyal na singsing.
Para kay Jim Carden, City council spokesman, isang “Christmas magic” ang nangyari.
Ipinahatid niya sa mga manggagawang tumulong sa paghahanap ang kanyang papuri at pasasalamat.
“We are pleased to have saved some memories and what we understand was highly valuable stuff both financially and sentimentally,” aniya.
Dagdag niya pa, nahasa na ang kanyang mga trabahador kaya hindi raw niya hahayaang tingnan lang ang mga taong nangangailangan ng tulong.