Sinibak na NEA Head Edgardo Masongsong, nanindigan na nasagot ang mga alegasyon ng PACC; NEA, nakatanggap umano ng mataas na COA rating

Nakahanda umano si National Electrification Administration (NEA) Chief Edgardo Masongsong na bumaba sa puwesto sa sandaling matanggap na niya ang opisyal na kautusan.

Sa isang statement, sinabi ni Masongsong na nakahanda niyang ipasa ang mga responsibilidad sa sinumang maitatalagang NEA Officer-in-Charge.

Nanindigan naman si Masongsong na nasagot niya lahat ang alegasyon ng korapsyon ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).


Wala umanong basehan ang mga alegasyon sa kaniya at sa katunayan, nakakuha pa nga ang NEA ng pinakamataas na Commission on Audit o COA audit rating na patunay ng transparency ng ahensya sa paggamit nito ng pondo.

Humihingi si Masongsong ng due process para maipagtanggol ang kaniyang sarili.

Una nang inireklamo ng PACC si Masongsong ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Omnibus Election Code dahil sa pagpayag nito na gamitin ang pondo ng electric cooperatives sa kampanya ng isang partylist group noong 2019 elections.

Facebook Comments