Manila, Philippines – Tiniyak ni Justice Secretary Menardo Guevarra na iimbestigahan ang kontrata ng security agency na pag-aari ng pamilya ni Solicitor General Jose Calida.
Ito ay matapos siyang tanungin ni Senador Kiko Pangilinan sa aksyon na gagawin nito sa kontrobersiya.
Ayon kay Guevarra, aalamin niya sa Bids and Awards Committee (BAC) kung nasunod ang lahat ng proseso nu’ng ibinigay ng Department of Justice (DOJ) ang kontrata sa Vigilant Investigative and Security Agency, Incorporated (VISAI).
Gayunman, sinabi ni Guevarra na tanging kontrata na lamang na nakuha ng DOJ ang masasaklaw ng kanilang pagrepaso at hindi nakasama ang kontrata sa iba pang ahensiya ng gobyerno.
Bukod sa DOJ, may kontrata rin ang security agency ng pamilya Calida sa National Anti-Poverty Commission (NAPC), Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), National Economic Development Authority (NEDA), National Electrification Administration (NEA) at National Parks Development Committee (NPDC).
Kabuuang ₱150.8 milyon umano ang halaga ng mga kontratang nakuha ng security agency sa loob ng dalawang taon o mula 2016 hanggang nitong 2018.
Tiniyak ni Justice Secretary Menardo Guevarra na walang pondo ng gobyerno ang nawala sa mga nasilip na iregular na pagde-deposito ng Department of Justice (DOJ) sa ibang bank account noong termino ni dating Secretary. Vitaliano Aguirre II.
Ayon kay Guevarra, pinasusumite na niya ng paliwanag ang finance department ng DOJ hinggil sa isyu.
Matatandaang kwinestyon ng Commission on Audit (COA) ang pagbubukas ng DOJ ng tatlong bank account para sa mahigit 90 milyong pisong pondo ng kagawaran kahit walang mga dokumento.