Manila, Philippines – Tiniyak ni House Deputy Speaker Gwendolyn Garcia na hindi magsasagawa ng Constituent Assembly sa joint session ng Kamara at Senado sa Lunes para sa pagbubukas ng 3rd regular session ng 17th Congress.
Ang pahayag ay kasunod na rin ng pagtutol ng Senado sa ConAss na nais ng Kamara para sa pag-amyenda ng Saligang Batas.
Nilinaw ni Garcia na ang tanging mangyayari sa Lunes ay joint session ng Kamara at Senado para sa muling pagbubukas ng sesyon at para sa pakikinig ng SONA ni Pangulong Duterte.
Pagtitiyak pa ni Garcia na alinsunod sa Konstitusyon at tradisyon, ang ika-apat na Lunes ng buwan ng Hulyo ay nakalaan lamang para sa SONA ng Pangulo.
Duda ang mambabatas na naisip ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri ang ganoong senaryo dahil magkakasama sa Lunes ang mga senador at kongresista.