Manila, Philippines – Tiniyak nila House Majority Leader Rolando Andaya Jr. at House Minority Leader Danilo Suarez na susundin ng Kamara ang naging ruling ng Korte Suprema na iligal ang pork barrel.
Ayon kay Andaya, maiging babantayan ng Kamara ang papel ng mga mambabatas sa budgetary authorization.
Aniya pa, kung anong proseso ng Senado sa pagpapasa ng budget ay siya ring proseso na susundin ng Kamara.
Sinabi naman ni Suarez na malinaw ang ruling ng korte kaya susunod ang Kamara dito.
Nilinaw naman ni Ako Bicol Rep. Alfredo Garbin na line item budgeting na lang ang mayroon sa pambansang pondo at oversight power na lamang ang tanging papel dito ng Kongreso.
Wala na anya ang post enactment intervention dahil sa kanya-kanyang ahensya na napupunta ang implementasyon ng mga proyekto.