Manila, Philippines – Tiniyak ng Land Transportation Office (LTO) na walang sensitibo at mahahalagang dokumento ang nawala sa kanilang opisina matapos looban ng mga hindi pa nakikilalang kawatan.
Ayon kay law enforcement director at LTO Spokesperson Francis Almora – sa ngayon ay hindi pa matukoy ng mga imbestigador kung kailan pinasok ang opisina at kung ano ang kanilang natangay.
Kabilang sa nilooban ay ang opisina ng data control unit, custodial at intelligence and investigation division ng LTO.
Nadiskubre ang pagnanakaw nang pumasok ang isang empleyado ng lto kanina kahit holiday kung saan tumambad sa kanya ang mga bukas na drawer at nakakalat na gamit.
Nakatakda namang imbitahan sa imbestigasyon ang mga construction worker mula sa malalapit na gusali sa tanggapan ng lto gayundin ang mga nagtatrabaho sa nire-renovate na gusali ng law enforcement service.