SINIGURO | Pakinabang ng mga magsasaka sa rice tariffication bill, tiniyak ni Senator Poe

Manila, Philippines – Pinawi ni Senator Grace Poe ang pangamba ng mga magsasaka sa Senate Bill 1998 o rice tariffication bill na nag-aalis ng limitasyon sa pag-angkat ng bigas, pero nagpapataw ng 35-percent na taripa.

Pagtiyak ni Poe, makikinabang din ang mga magsasaka sa nabanggit na panukala.

Paliwanag ni Poe, nakapaloob sa panukala ang pagbuo ng Rice Competitiveness Enhancement Fund na pagkukunan ng tulong sa mga magsasaka tulad makinarya o mga kagamitang kailangan sa pagsasaka, pondo sa irigasyon at pag-aaral para mapaunlad ang rice sector.


Ayon kay Poe, ang rice tariffication bill ay isa sa pipigil sa hagupit ng tumataas na presyo ng bilihin o inflation rate na pumalo na ngayon sa 6.7 percent.

Pangunahin aniyang tutugunan nito ang problema sa suplay at presyo ng bigas.

Tinukoy ni Poe ang pagtaya ng economic managers na kapag pumasok na sa bansa ang mga imported na bigas ay bababa ang presyo nito ng mahigit 30-pesos kada kilo.

Facebook Comments