Manila, Philippines – Siniguro ni Philippine National Police (PNP) Chief Oscar Albayalde na patuloy ang imbestigasyon ng PNP sa nangyaring pananambang kay Daangbantayan Cebu Mayor Vicente Loot.
Ito ay matapos na sumulat at umapela ng suporta si Mayor Loot na dating police general sa kanyang mga kaklase sa Philippine Military Academy (PMA) class of 1982 na agad namang kinondena ang pananambang sa kanya noong Linggo sa New Maya Port Daangbantayan, Cebu.
Ayon kay Albayalde, hindi tumutigil sa pagiimbestiga ang kanyang mga tauhan upang matukoy ang salarin sa pananambang.
Normal rin aniya na suportahan ng PMA class of 1982 si Loot dahil magkakaklase ang mga ito sa akademiya.
Sa panig aniya ng PNP, dinagdagan na nila ang mga nagbabantay sa Alkalde at hindi nila binabalewala.
Sinabi pa ni Albayalde na kung may impormasyon si Mayor Loot na makapagtuturo sa suspek ay makipag-usap na lamang aniya sa imbestigador ng kaso.
Matatandaang nitong nakalipas na araw ng Linggo ng kakarating lamang nina Mayor Loot kasama ang kanyang pamilya sa New Maya Port sa Daangbantayan nang pagbabarilin sila ng limang armadong kalalakihan.
Nakaligtas sa kamatayan ang pamilya ni Loot pero nagtamo ng malalang sugat dahil sa pamamaril ang kanyang dalawang drayber at yaya ng kanyang apo.