Manila, Philippines – Tiniyak ni House Speaker Gloria Arroyo na ipaprayoridad ng Mababang Kapulungan ang pag-apruba sa ikalawang bahagi ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN.
Ayon kay Speaker Arroyo, hindi siya magtatakda ng deadline sa pagpapasa ng TRAIN2 pero ito ay kanyang pinatututukan sa mga mambabatas para makatulong sa reporma sa pagbubuwis.
Kanina ay personal na dumalo si GMA sa pagdinig ng House Ways and Means Committee sa TRAIN 2.
Samantala, nilinaw ni Deputy Speaker Raneo Abu na hindi makakabigat sa publiko ang TRAIN 2.
Ito ay hindi umano tax measure na magpapataw ng bagong buwis kundi ito ay paraan para ibaba ang corporate income tax at alisin ang mga redundant incentives ng mga kumpanya.
Paliwanag ni Abu, suportado naman nila ang pagtulong sa mga nagsisimula pa lamang na kumpanya pero kailangang taningan ito para hindi pangmatagalan ang pagbibigay ng insentibo.