Manila, Philippines – Nakahanda na rin ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa pagtulong sa school repairs, installations, clean-up at iba pang preparasyon sa nalalapit na pagbubukas ng klase sa susunod na linggo.
Ito ang inihayag ni BJMP Chief Jail Director Deogracias Tapayan, kasunod ng mobilisasyon ng kanyang mga tauhan sa ibat-ibang paaralan bilang pakikiisa sa ‘Brigada Eskwela’ ng Department of Education (DepEd) sa buong bansa.
Ayon kay General Tapayan, maliban sa inilaang oras sa pagtulong, nag-donate din ng ilang school materials ang ahensya na magagamit ng mga mag-aaral.
Bukod pa aniya ito sa play and learn sessions na isasagawa ng mga jail officers sa mga elementary pupils simula sa Hunyo bilang bahagi ng selebrasyon ng BJMP community relations service month.
Paliwanag ng opisyal, ito ay pagtanaw lamang ng utang na loob ng BJMP sa DepEd dahil benepisyaryo ng Alternative Learning System (ALS) ang maraming mga inmates para makumpleto ang kanilang basic education.