SINING MULA SA BASURA LIKHA NG ISANG VISUAL ARTIST MULA SA MAPANDAN

Sa panahon ng digital na sining at modernong canvas, nananatiling matibay ang paniniwala ni Mareen Tolentino, mas kilala bilang “Ultra Mareen” sa social media, na ang kagandahan ng sining ay hindi lamang nasusukat sa mamahaling kagamitan.

Bilang isang visual artist mula Mapandan, Pangasinan, ipinapakita niya na kahit ang mga bagay na itinuturing na basura ay maaaring maging obra maestra.

Ginagamit ni Mareen ang mga paper bags, karton, at lumang bilao bilang canvas ng kanyang sining. Isa sa kanyang mga obra ay ang isang bilao na ginuhitan niya ng kalabaw at kambing, na nilagyan pa ng mga basyo ng bote ng softdrinks upang magmukhang damo. Ang mga simpleng bagay na ito ay nabibigyan niya ng bagong halaga sa pamamagitan ng kanyang talento.

Sa kabila ng kanyang abalang buhay bilang isang Art Teacher at social media manager, patuloy na ginagampanan ni Mareen ang kanyang pangarap na maging isang ganap na artist

Ang kanyang mga likha ay hindi lamang nabibigyan ng pansin sa social media; naibebenta rin niya ang mga ito at tumatanggap siya ng commission paintings.

Bukod sa artistic na aspeto, layunin ni Mareen na gamitin ang sining upang makapag-ambag sa pangangalaga ng kalikasan. Sa paggamit ng mga recyclable materials, ipinapakita niya na posible ang pagsasama ng sining at environmental advocacy.

Sa sining ni Ultra Mareen, ang basura ay hindi nagtatapos sa pagiging basura. Sa halip, ito ay nagiging simula ng isang kwento—isang obra maestra. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments