Manila, Philippines – Naniniwala ang mga oposisyon sa Kamara na bahagi ng Plan B ng Duterte administration ang paghahain ng Quo Warranto petition para mapatalsik sa pwesto si Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ayon kay Ifugao Rep. Teddy Baguilat, kahit unconstitutional means o labag sa Konstitusyon ay ginagamit na ng gobyerno para maalis sa landas nito ang Chief Justice.
Tiyak na pinag-isipan ang diskarteng ito dahil malabo na ma-impeach si Sereno sa kabila ng mga paninirang ibinato sa Punong Mahistrado.
Sinabi pa ni Baguilat na nag-survey ang administrasyon sa Senado na kulang ang bilang para patalsikin sa impeachment court si Sereno dahilan kaya last minute na napag-isipan ang Quo Warranto petition.
Umaasa naman si Baguilat na itatama ng mga Justices ng Korte Suprema ang sitwasyon para maibalik ang respeto ng publiko sa Kataas-Taasang Hukuman.