Manila, Philippines – Hindi mag-aalinlangang magpataw ng parusa ang Department of Energy sa lumalabag sa mga pamantayan sa kaligtasan batay sa Retail Rules at Code of Safety Practices.
Ito ay kaugnay ng insidente ng sunog sa Petron Gasoline Station sa Barangay Wack-Wack, Mandaluyong City kahapon.
Nais malaman ni Energy Secretary Alfonso Cusi sa pamamagitan ng technical team mula sa DOE Oil Industry Management Bureau ang sanhi ng sunog, kung ito ba ay may paglabag sa existing rules nang sa gayon ay maiwasan na maulit ang kahalintulad ng insidente.
Una rito, inirekuminda ng DOE technical team ang agarang pagbawi sa Certificate of Compliance (COC) ng gasoline station.
Ang revocation ng COC ay magreresulta sa non-operation ng retail outlet hanggat hindi ito sumusunod sa DOE Retail Rules.
Oras na makumpleto ang investigation, ang DOE technical team ay maglalabas ng final report sa nasabing insidente.