Sinovac at Moderna, hindi pa handa na isama sa EUA nila ang pagbabakuna sa mga menor de edad

Sinabi ni Food and Drug Administration (FDA) Chief Eric Domingo na hindi pa handa ang kapwa Sinovac at Moderna para sa expansion ng kanilang Emergency Use Authorization (EUA) para sa mga edad 18 years old pababa.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Domingo na kanilang tinanong ang ilang vaccine manufacturers kung aamyemdahan na rin ang EUA nila sa Pilipinas para masama sa mga mababakunahan ang mga menor de edad.

Paliwanag ni Domingo, kinakalap pa ng Sinovac at Moderna ang mga datos hinggil sa isinasagawa nilang clinical trials sa mga kabataan.


Sa ngayon, base sa EUA ng Sinovac at Moderna sa Pilipinas, maaari itong iturok sa mga 18 years old pataas.

Pero sa China, aprubado na ang pagtuturok ng Sinovac sa mga edad 3 years old pataas habang ang Moderna ay pwede na ring iturok sa 12 years old pataas.

Dito sa bansa, tanging ang Pfizer-BioNTech pa lamang ang pinapayagang maiturok sa edad 12-15 years old.

Target naman ng pamahalaan na mapasimulan ang pagbabakuna sa pediatric sector pagsapit ng Setyembre o Oktubre.

Facebook Comments