Inirekomenda ni dating Speaker at Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano na ilipat ang Sinovac COVID-19 vaccines sa mga lugar na walang bias o hindi namimili ng bakuna.
Isa sa malaking hamon ngayon sa pamahalaan ang nakaimbak na Sinovac vaccines sa mga cold storage ng ilang Local Government Units (LGUs) dahil kakaunti lamang ang takers o nais magpaturok ng nasabing brand ng Chinese COVID-19 vaccine.
Bunsod nito ay hindi naman makapag-deliver ng panibagong batch ng bakuna ang national government.
Dahil dito ay pinatutukoy ng kongresista ang mga lugar na walang vaccine brand bias at doon na lamang ilipat ang Sinovac vaccine.
Sinabi pa ng mambabatas na kahit ilang beses maipaliwanag sa publiko na pare-pareho ang efficacy ng mga COVID-19 vaccines, kailangang tanggapin ng pamahalaan na mas pinipili na talaga ng nakararaming Pilipino ang western brands ng bakuna.
Dagdag pa ng dating speaker na kung hindi man makumbinsi talaga ang ilan ay marahil dapat na lamang ituon sa kung anong brand ang mas gusto ng marami upang mas madaling mahimok ang mga tao na magpabakuna.