Sinovac, hindi ide-deliver sa bansa hangga’t walang Emergency Use Authorization ayon kay Vaccine Czar Carlito Galvez

Nilinaw ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., na hindi ide-deliver sa bansa ang Sinovac hangga’t wala itong Emergency Use Authorization (EUA) mula sa Food and Drug Administration (FDA).

Kasunod ito ng ulat na parating na ngayong Pebrero ang bakuna mula sa Sinovac.

Sa pagdinig ngayong araw sa Senado, sinabi ni FDA Director General Eric Domingo na ongoing pa ang pag-aaral para sa pag-iisyu ng EUA sa nasabing kompanya.


Problema rin kasi sa Sinovac ang kawalan nito ng EUA sa Estados Unidos at United Kingdom.

Habang nagkakaiba-iba ang resulta ng clinical trial sa Sinovac sa ibang bansa dahil magkakaiba ang sitwasyon ng paggamit nito.

Kasabay nito, iginiit ni Domingo na hindi pwedeng hintayin na lamang ng bansa ang resulta ng Phase 3 ng clinical trial ng Sinovac bago ito bilhin ng Pilipinas.

Kapag isinagawa kasi aniya ito, posibleng sa 2023 pa magkaroon ng bakuna ang Pilipinas.

Sa ngayon, bigong makasipot sa pagdinig sa Senado ang representante ng Sinovac Biotech.

Matatandaang una nang hiniling ng mga senador particular si Senator Risa Hontiveros na dapat makadalo ang Sinovac para marinig mismo sa kanila ang paglilinaw sa mga duda sa efficacy at presyo ng bakuna nitong CoronaVac.

Facebook Comments