Posibleng ang anti-COVID-19 vaccine ng China na Sinovac ang unang bakuna na magkakaroon ang Pilipinas.
Ito ang inihayag ni National Policy Against COVID-19 Chief Implementer at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr. kasunod na rin ng pagsisimula ng United Kingdom ng pagpapabakuna sa kanilang mga mamamayan.
Ayon kay Galvez, sakaling magkasundo at mapirmahan na ang kontrata ngayong buwan sa pagitan ng pamahalaan at IP Biotech, posibleng sa unang quarter ng 2021 ay mayroon nang anti-COVID-19 vaccine sa bansa.
Aminado naman ang kalihim na posibleng matagalan pa bago magkaroon ng bakuna ang Pilipinas mula sa Western countries tulad ng Pfizer, Moderna, at Astrazeneca.
Paliwanag nito, halos 80 percent kasi ng projected manufacturing capacity ng mga ito ay nabili na ng first world countries.
Samantala, inihayag sa interview ng RMN Manila ni DOST Sec. Fortunato dela Peña na maaari nang hindi dumaan sa kanilang tanggapan ang mga anti-COVID-19 vaccine na may Emergency Use Authorization basta’t aprubado ng Food and Drug Administration.
Layon aniya nitong mapabilis ang pagbili ng bansa ng bakuna kontra COVID-19.
Sa ngayon ay aprubado na ng DOST vaccine expert panel at ethics board ang Sinovac ng China.