Posibleng ang Sinovac na gawa ng China ang iturok kay Pangulong Rodrigo Duterte bilang pangontra sa COVID-19.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, una nang sinabi ni Pangulong Duterte na nais niyang magpaturok ng bakuna na mula sa China at mula sa Russia.
Pero ayon kay Roque, kahit hindi siya doktor ay hindi ito maaari at kinakailangan lamang mamili ng Punong Ehekutibo mula sa dalawang bakuna.
Dahil inaasahan na ang pagdating ng Sinovac sa susunod na buwan ay maaaring ito ang iturok sa Presidente.
Wala naman aniya siyang ideya kung bakit tila napabilis ang inaasahang pagdating sa bansa ng Sinovac.
Ang tanging naaalala lamang niya na sinabi ni Pangulong Duterte ay naiinip na ito sa bakuna at hindi na makahihintay pa sa pagdating ng mga bakuna na dinevelop ng Western countries na posibleng dumating sa 3rd quarter pa ng 2021.