Hindi inirerekomenda ng mga health experts na maiturok sa health care workers at senior citizens ang Sinovac vaccines.
Ito ang lumabas sa evaluation ng Vaccine Expert Panel (VEP), makaraang mapag-aralan ang mga dokumentong isinumite ng Sinovac noong Biyernes para sa aplikasyon nila ng Emergency Use Authorization (EUA).
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni Food and Drug Administration (FDA) Director General Usec. Eric Domingo na base sa nakita sa trials na ginawa ng Sinovac sa Brazil sa mga health workers doon, lumabas na nasa 50.4% lamang ang efficacy rate nito sa partikular na grupo.
Kung tutuusin, ani Domingo ay mabuti na ito kaysa wala at ligtas naman itong gamitin sa bansa.
Ayon kay Domingo, ang rekomendasyon ng VEP ng bansa ay maaaring gamitin ang Sinovac sa ibang grupo ng populasyon na nasa edad 18 hanggang 59 anyos.