Posibleng dumating ngayong linggo ang COVID-19 vaccines ng Chinese pharmaceutical company na Sinovac.
Pahayag ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque kasunod ng anunsyo ng Food and Drug Administration (FDA) na aprubado na ang Emergency Use Authorization (EUA) ng Sinovac upang magamit sa Pilipinas ang kanilang COVID vaccine.
Ayon sa kalihim, naipagbigay alam na rin sa China ang desisyong ito ng FDA.
Kailangan na lamang aniya ng China ng tatlong araw, mula sa pag-apruba ng EUA application upang maipadala sa bansa ang donasyon nitong 600, 000 doses ng bakuna.
Habang ayon naman aniya kay Testing Czar Secretary Vince Dizon, ang Pilipinas ay nangangailangan na lamang ng isang araw mula sa pagtanggap ng bakuna para sa pagsisimula o roll out ng national vaccination program laban sa COVID-19.