
Hindi magagamit ng Office of the Ombudsman ang sinumpaang salaysay ni dating Marine Technical Sergeant Orly Guteza sa Senado patungkol sa mga naging rebelasyon nito sa maanomalyang flood control projects.
Kung matatandaan si Guteza ang nagsiwalat sa Blue Ribbon Committee hearing na hinahatid niya ang mga male-maletang pera sa bahay nina dating Speaker Martin Romualdez at dating Cong. Zaldy Co.
Sa panayam kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla matapos ang budget deliberation, iginiit niyang walang value o halaga ang sworn affidavit ni Guteza sa Senado kahit notarized pa ito.
Sinabi ni Remulla na hindi nila magagamit ito maliban na lamang kung haharap si Guteza para panumpaan sa Ombudsman ang sinumpaang salaysay at patotohanan na siya ang gumawa ng affidavit at saka pa lamang nila ito maisasailalim sa preliminary investigation.
Gayunman, hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikita si Guteza pero nangako ang Ombudsman na pinaghahanap pa rin nila ito para masuportahan ang mga naging alegasyon sa kanilang ginagawang imbestigasyon sa flood control project anomalies.









