SINUPALPAL | 2019 elections, ipaglalaban ng mga Senador

Manila, Philippines – Agad sinupalpal ng mga Senador ang plano ni House Speaker Pantaleon Alvarez na harangin ang 2019 senatorial at local elections sa pamamagitan ng peoples’ initiative.

Ayon kay Lacson, lalabanan ng mayorya ng mga Senador ang anumang tangka na ipagpaliban ang darating na halalan dahil ito ay mali at pansariling intres lamang.

Nagtataka naman si Senator Chiz Escudro kung bakit matindi ang pagkahumaling ni Alvarez na maharang ang eleksyon kahit pa hindi naman ito suportado ng mamamayan at ng palasyo.


Sa tingin ni Escudero, imposibleng matupad ang gusto ni Alvarez bago ang 2019 elections dahil mangangailangan ito ng pirma ng 12 percent ng mga rehistradong botante o hindi bababa sa 3 porsyentong mga rehistradong botante sa bawat congressional district.

Ang nabanggit na mga lagda ay kakailanganin pang iberepika ng commission on elections at maari din itong kwestyunin sa korte.

katwiran ni Senator Poe, hindi dapat madaliin ni Alvarez ang charter change kung naniniwala syang ito ay makatwiran at solusyon sa pangangailangan ng taumbayan.

Giit naman ni Senator Kiko Pangilinan, ang pondong ibubuhos sa peoples initiative at plebesito ay makabubuting gamitin sa ibang mas kapaki pakinabang na bagay.

Sabi naman ni Senator Sherwin Gatchalian, magiging pagsasayang lang ng resources ang plano ni Alvarez bukod pa sa magdudulot din ito ng pagkakawatak watak ng bansa.

Batikos naman ni Senator Leila de Lima, ang pinapalutang na no-el scenario ay tila gumigiba sa ating demokrasya.

Malinaw naman para kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto na speaker’s initiative at hindi peoples’ initiative ang tinatrabaho ni Alvarez.

Facebook Comments