Manila, Philippines – Sinopla ng Magnificent 7 sa Kamara ang hiling ng palasyo ng Malacañang na kailangan ng bagong batas mula sa Kongreso para sa pagbawi ng ill-gotten wealth ng pamilya Marcos.
Paliwanag ni Albay Representative Edcel Lagman, hindi na kailangan ng bagong batas para bigyan ng otorisasyon si Pangulong Duterte para magsagawa ng compromise settlement o kasunduan sa pamilya Marcos para makuha ang kanilang nakaw na yaman.
Sa ilalim aniya ng Executive Order #1 ni dating Pangulong Corazon Aquino, patuloy na binibigyang kapangyarihan at karapatan ang isang Presidente na ma-recover ang Marcos illegal wealth ito man ay batay sa utos ng korte o base sa kasunduang mabubuo sa pagitan ng mga Marcos.
Sa ilalim din ng Executive Order na ito nilikha ang Presidential Commission on Good Government o PCGG kung saan ito ang tumutulong sa Pangulo sa pagkumpiska ng mga iligal na yaman ng mga Marcoses.
Pero, iginiit ni Lagman na kung may kasunduan man sa pagitan ng pamilya ay hindi dapat bigyan ng criminal immunity ang mga Marcos dahil ito ay tahasang palabag sa sistema at batas ng bansa na hindi dapat nakokompromiso ang pananagutan sa nagawang krimen.