Manila, Philippines – Hindi pinagbigyan ng 3rd division ng Sandiganbayan ang hirit ng mga prosecutors ng Ombudsman na magpalabas na ito ng pasya sa kanilang mosyon na muling ipaaresto si dating Palawan Governor Joel Reyes matapos itong mapalaya sa bisa ng kautusan ng Court of Appeals (CA).
May dalang rosaryo si Reyes habang dinidinig ang mosyon na ipawalang bisa ang kaniyang piyansa.
Binigyan ng hanggang Lunes, January 15 ang dating Palawan governor na magharap ng comment o opposition sa mosyon.
‘Submitted for resolution’ na ang mosyon sa sandaling makasagot na rin ang prosecution.
Iginigiit ng mga prosecutors na dapat na ipaaresto na si Reyes dahil baka magtago na naman ito.
Sa panayam ng media, sinabi ni Ex-Governor Reyes na wala siyang balak tumakas at kailanman ay hindi niya ito gagawin dahil naniniwala siya sa rule of law.
Nag-ugat ang pagpapa-aresto kay Reyes dahil sa kasong graft nito na pinagtibay ng Sandiganbayan noong August 29, 2017, na may kaugnayan sa pagbibigay ng panibagong permit sa isang kumpanya ng pagmimina.
Sa sandaling pagbigyan ang mosyon, maaring makulong si Reyes ng mula anim hanggang walong taon ang ibinabang hatol ng Sandiganbayan.