Manila, Philippines – Walang nakikitang linaw ang Malacañang para sa posibilidad ng muling pagbuhay ng usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at mga rebeldeng grupo na CPP-NPA-NDFP.
Ito ang sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, bilang tugon sa New Year’s wish ni CPP founding Chairman Joma Sison na sana ay bumalik ang magkabilang panig sa negotiating table para sa pagpapatuloy ng usaping pangkapayapaan.
Ayon kay Roque, malabo sa ngayong mangyari ang hangad ni Sison, dahil wala pa rin aniyang nakikitang sinseridad ang gobyerno sa CPP-NPA.
Patunay aniya na hindi sinsero ang grupo ng makakaliwa, dahil sa kabila ng pagpupursige na maisulong ang peace talks, ay siya namang ginawang pag-atake nito sa nakalipas na holiday season kahit pa umiiral ang ceasefire.
Ayon kay Roque, upang makumbinsi ang pamahalaan sa pagpayag sa muling pakikipag usap, dapat ay ipakita lang ng kabilang kampo na totoo sila sa kanilang intensiyon upang makamit ang kapayapaan.