Cauayan City, Isabela- Inilahad ng sinuspindeng Tourism officer na si Lloyd Lozado Toloy ang ilan umanong posibleng dahilan kung bakit galit na galit sa kanya ang nasuspindeng si Mayor Nieverose Meneses ng Nagtipunan, Quirino.
Sa ipinatawag na Press conference ng kampo ni Toloy, iniisa isa ang dahilan ng matinding galit umano ng alkalde sa kanya gaya na lamang ng pagtanggi umano ni Toloy na palitan ng pangalan ang “Landingan View Point” na isa sa mga sikat na pasyalan sa lalawigan.
Ayon kay Toloy, nagsimula na siyang pagsalitaan ng hindi maganda ng mismong alkalde at buong akala nito ay ito na ang una at huli na titigil sa pag-atake ang suspendidong alkalde subalit nagpatuloy pa umano ito sa ibang paraan naman.
Sa kabila umano ng kasikatan ng naturang pasyalan dahil sa dami ng mga bumisita dito ay batid pa rin ni Toloy ang ilang kakulangan ng pasilidad gaya ng kawalan ng palikuran at masisilungan tulad ng ‘kubo’, bagay na isinangguni sa kanya ng ilang turista.
Paglalahad pa ni Toloy, makaraang ilapit sa kanya ng ilang turista ang hiling na magkaroon sana ng mabibilhan ng pagkain sa mismong pasyalan ay kasunod naman ito ng pagpwesto ng ilang tindera sa pasyalan.
Nabalitaan aniya ni Mayor Meneses ang sitwasyon kung kaya’t ipinag-utos nito na paalisin ang mga nagbebenta ng pagkain sa lugar dahil “eyesore” o pangit sa imahe ng pasyalan ang mayroong mga nagbebenta.
Dahil sa utos ng alkalde na nakarating sa kaalaman ng mga tindera, nakiusap ang mga ito sa tourism officer na ililipat nila ang kanilang mga pwesto sa isang lugar na hindi na pag-aari at sakop ng lokal na pamahalaan dahil isa itong pribadong pagmamay-ari ng mga tao pero hindi umano natapos dito ang utos ni Meneses dahil agad umano nitong inutusan ang mga pulis na paalisin ang mga nagbebenta sa lugar at wala na silang nagawa kundi sumunod na lamang.
Samantala, ayon kay Toloy noong kasagsagan ng pandemya ng magpalabas ng memorandum order si Meneses kung saan ipinapa turn-over ang lahat ng ‘government issued vehicle’ sa tanggapan ng General Services Office (GSO) kung saan ipinasakamay niya sa GSO ang ipinagamit na sasakyan sa kanya pero imbes maibalik sa kanya ang sasakyan matapos muling ipag-utos na magamit ito ay nabatid umano na ang dating alkalde at ama ni Meneses ang gumagamit ng sasakyan.
Paliwanag umano kay Toloy na ginagamit ang sasakyang inisyu sa kanya sa mga relief operation pero giit niya na personal umano itong ginagamit ng ama ng alkalde.
Hindi pa umano natapos ang kanyang kalbaryo sa pamumuno ni Meneses dahil tinanggalan din umano ito ng travelling allowance, P7,000, communication allowance na P5,000 at nagsimula na rin umano dito na ipatigil ni Meneses ang iba pang benepisyo ni Toloy.
Sa huli, inilipat si Toloy sa isang kweba para doon mag-opisina na sinasabing mahirap ang transportasyon dahil bahagi umano ito ng isang kagubatan.