Iginiit ni Health Secretary Francisco Duque III na hindi niya alam ang desisyon ng kaniyang tanggapan na isuspinde ang pagpapatupad ng Special Risk Allowance (SRA) para sa health workers sa ilalim ng Department of Health (DOH).
Ang SRA ay one-time benefit na ibinibigay sa public health workers sa gitna ng pandemya.
Sa pagdinig ng Senado sa anomalya sa PhilHealth, binanggit ni Senator Risa Hontiveros kay Duque ang Department Memorandum No. 2020-0285 hinggil sa suspensyon ng SRA.
Ang memo ay inisyu ng tanggapan ni Duque noong June 23, 2020 at pinirmahan ni Undersecretary for Administration and Financial Management Roger Tong-An na sakop ang DOH Central Office, Bureau of Quarantine, Food and Drug Administration at DOH Centers of Health and Development.
Ang suspensyon ay bunsod ng pagsasalungat ng depinisyon nito sa Administrative Order No. 28 ni Pangulong Rodrigo Duterte at Republic Act 7305 o Magna Carta of Public Health Workers.
Ayon kay Duque, hindi malinaw kung bakit ito sinuspinde ni Tong-An.
Pagtitiyak ni Duque na reresolbahin niya ang isyu na ito at sang-ayon siyang dapat mabigyan ng prayoridad ang medical frontliners na inilalagay ang buhay sa alanganin sa harap ng health crisis.
Samantala, nilinaw ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na hindi sinuspinde ng DOH ang SRA para sa public health care workers at ang memo ay sakop lamang ang attached agencies ng kagawaran.