Siphoning o paghigop sa kargang langis ng MTKR Terranova, posibleng maantala pa – PCG

Recovery operations at ground zero where MT Terra Nova sank (30 July 2024)

Hindi pa sigurado ang Philippine Coast Guard kung masisimulan na ngayong araw ang siphoning o paghigop sa kargang langis ng lumubog na MTKR Terranova.

Sa press briefing kanina, sinabi ni Coast Guard Station Bataan Commander Michael John Encina na hindi pa tapos ang pagtatakip sa mga valve na pinagmumulan ng tumagas na langis.

Mamaya pa o bukas aniya inaasahang matatapos ang pagselyo bago pa masimulan ang siphoning kung saan target higupin ang 300,000 litro ng langis para gumaan at mailipat sa mas ligtas na lugar.


Kahapon sana unang target na isagawa ang siphoning pero sinabi ng PCG na pahirapan ang pagseselyo sa valves ng divers mula sa kinontratang Harbor Star Shipping Services.

Hanggang kahapon ay nasa 18 pa lamang mula sa 24 na valves ng motor tanker ang nase-selyuhan.

Samantala, kinumpirma na rin ng PCG na nakaabot na sa baybayin ng Cavite ang tumagas na langis mula sa oil tanker kaya’t nakikipag-usap na sila ngayon sa Coast Guard Station ng lalawigan upang maagapan ang pagkalat pa.

Facebook Comments