Target tapusin sa loob ng isang linggo ang siphoning operations sa kargang langis ng lumubog na MT Terra Nova sa Manila Bay.
Ayon sa contracted salvor na Harbor Star, nasa limampu hanggang animnapung libong litro ng langis ang inaasahang mahihigop kada araw mula sa lumubog na oil tanker.
Sapat na aniya ang isang linggo para umabot sa 300,000 litro ang mabawas sa oil tanker, bago ito ilipat o hatakin sa mas ligtas na lugar.
Dito pa lamang aniya itutuloy ang paghigop sa mga natitirang kargang langis ng MT Terra Nova.
Samantala, sinabi ni PCG Spokesperson Rear Admiral Armand Balilo na matapos ang isinagawang aerial survey ng team sa baybayin ng Limay, Bataan ay nakita na ang mga oil sheens.
Nakita na rin ang ilang bakas ng langis sa baybayin ng Bulacan at Cavite pero wala silang nakitang oil spill sa Hagonoy, Bulacan nang mag-ikot sila sa ibinigay na coordinates ng Greenpeace.
Una nang ibinahagi ng Greenpeace ang mga larawan na nakaabot na umano ang langis mula sa lumubog na oil tanker sa bahagi ng Bulacan.