Aabutin na lang ng isa hanggang dalawang araw bago tuluyang matapos ang siphoning operations o pagsipsip sa tumagas na langis ng MTKR Terranova sa Limay, Bataan.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Lieutenant Commander Michael John Encina ng Philippine Coast Guard (PCG) Bataan Station na tinatayang 200,000-litro ng oily waste na lang ang natitira mula sa lumubog na motor tanker.
Sa ngayon ay pansamantalang sinuspende ng PCG ang siphoning operation dahil sa malakas na alon dulot ng masamang panahon, pero ayon kay Encina, agad magbabalik operasyon ng PCG kapag bumuti na ang panahon at alon sa dagat.
Sa tala ng PCG, nasa mahigit 1.2-milyong litro ng oily waste na ang nasipsip mula sa lumubog na barko, at malaking porsyento nito ang dinala na sa accredited treatment facility ng PCG at DENR.