Manila, Philippines – Mahaharap sa pagkasibak sa serbisyo ang isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) na nakatalaga sa PNP National Headquarters sa Camp Crame matapos na maaktuhang nagka-casino sa isang lugar sa Paranaque City kamakalawa ng gabi.
Kinilala itong si Police Superintendent Adrian Antonio 35 anyos, binata, nakatira sa isang condo sa loob mismo ng Camp Crame, Quezon City.
Ayon kay PNP Spokesperson Police Chief Superintendent John Bulalacao kung mapapatunayang guilty ang opisyal sa pagsusugal ay tiyak na matatangal ito sa pagka-pulis.
Sa ngayon aniya nahaharap na ito sa kasong kriminal at administratibo at patuloy ang isinasagawang imbestigasyon laban dito.
Sinabi naman ni Police Director Camilo Cascolan, The director for operations ng PNP na hindi kukunsitihin ng PNP ang ganitong gawain ng kanilang kabaro.
Nanatili aniya ang kanilang adhikaing maging huwaran sa publiko at hiling nya sa kanyang mga kabaro huwag ng lalabag sa anumang ipinatutupad na batas katulad ng pagsusugal.
Matatandaang una nang ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbabawal sa mga empleyado at opisyal ng gobyerno kasama na ang mga uniformed personnel ang pagsusugal dahil nagreresulta ito sa korapsyon.