SISIGURADUHIN | BIR, tiniyak na hindi nito pinahihintulutan ang mga tiwaling gawain ng kanilang mga opisyal

Manila, Philippines – Inihayag ni BIR Commissioner Ceasar Dulay ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na walang puwang sa ahensya ang mga opisyal nila na sangkot sa matiwaling gawain.

Kasunod ito ng pagkakasangkot ng ilang tax examiners sa corruption activities sa kabila ng mensahe ni Pangulong Duterte na walang puwang ang korapsyon sa kanyang administrasyon.

Inihalimbawa nito ang kaso ng 3 investigators ng Regional Investigation Division ng Revenue Region No. 8 sa Makati City na kamakailan lamang ay nahuli sa entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Greenhills San Juan.


Aniya, may show cause orders ng inisyu ang BIR laban kina Group Supervisor Arturo Boniol, Jr., Special Investigator Gary Atanacio at Intelligence Officer Edgardo Javier.

Bagamat ipinaubaya nila sa NBI ang imbestigasyon at pagsasampa ng kaso, may ginagawa na din ang BIR na sariling fact finding para sa pagpapataw ng administrative penalties.

Kaugnay nito tuluyan na ring sinibak ng BIR ang dalawang tax examiners na sina Revenue Office Abolais Ampa at Group Supervisor Nora Halamani ng Revenue District Office No. 29 sa Tondo at San Nicolas sa Maynila base sa kautusan ng Ombudsman.

Sumasailalim na rin sa dismissal proceedings ang kaso ni tax examiner Julie Hernaez ng Revenue District Office No. 77 Bacolod City na kasalukuyang nasa ilalim ng preventive suspension.

Facebook Comments