Manila, Philippines – Tiniyak ni Bureau of Corrections (BuCor) Chief Ronald Dela Rosa na walang magiging special treatment para kay retired major general Jovito Palparan na hinatulang guilty sa kasong pag-kidnap sa dalawang estudyante ng University of the Philippines noong 2006.
Ayon kay Dela Rosa, agad kinumpiska ng mga corrections officer ang dalang sigarilyo ni Palparan nang ilipat sa Bilibid Miyerkules ng gabi.
Siniguro rin ni Dela Rosa ang seguridad ni Palparan sa loob ng kulungan.
Argumento kasi ni Palparan, hindi siya dapat mapiit sa Bilibid lalo at marami siyang banta lalo na sa mga New People’s Army (NPA).
Mananatili ng 60 araw sa “reception and diagnostic center” si Palparan kung saan ang unang limang araw ay ilalaan para sa briefing, counselling, at physical at mental check-up.
Matapos ang 60 araw, ililipat na si Palparan sa kaniyang regular na dormitoryo sa Maximum Security Compound, kung saan makakasama niya ang iba pang inmate na hinatulang makulong nang 20 taon pataas.