Aklan – Tiniyak ng Joint Task Force Boracay na nakahanda na ang nasa 630 miyembro ng Philippine National Police (PNP) na magbabantay sa anim na buwang pagsasara ng Boracay Island sa Huwebes, April 26.
Ayon kay Western Visayas Police Chief Superintendent Cesar Binag, ang mga miyembro ng task force ay mula sa regional police na suportado naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP) at iba pang grupo.
Mula sa Caticlan Jetty Port aniya ay maglalagay sila ng command at action center na siyang magtse-check at validate sa mga gustong pumasok sa Boracay.
Kailangan naman dumaan sa single entry at exit point ang mga residente, manggagawa, miyembro ng rehabilitation team at media sa Caticlan Jetty Port bago magtungo sa isla.
Samantala, magkakaroon naman ngayong araw ng security protocols ang Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Tourism (DOT) at ang mga otoridad sa Boracay.