Manila, Philippines – Hindi maaantala ang tulong ng mga naturukan ng Dengvaxia anti-dengue vaccine.
Ito ang tiniyak ni House Appropriations Committee Chairman at Davao City Representative Karlo Alexei Nograles makaraang bigong maipasa ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang P1.16 billion supplemental budget ng Department of Health (DOH) na ilalaan sana para sa mga Dengvaxia vaccinees.
Ayon kay Nograles, pinayuhan na nila ang DOH na gamitin na pansamantala ang 2018 budget nito hangga’t hindi pa naipapasa sa Mataas na Kapulungan ng kongreso ang naturang panukala.
Dahil dito, hindi raw muna maipapatupad ang inilatag na programa ng kagawaran para sana sa Dengvaxia vaccinees katulad na lamang ng pagkuha sa serbisyo ng karagdagang nurses para sa profiling at monitoring ng mga nabakunahan.
Tiwala naman si Nograles na sa pagbubukas muli ng sesyon ng Kongreso sa Hulyo, matatalakay at maaprubahan na kaagad ng Senado ang nasabing supplemental budget.