Manila, Philippines – Tiniyak ng Palasyo ng Malacañang na handa ang Pilipinas na tumulong sa anumang hakbang para magkaroon ng magandang resulta ang unang pagpupulong nila US President Donald Trump at North Korean leader Kim Jong-un sa Singapore kahapon.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, welcome development ang makasaysayang kaganapan na ito na dumaan sa diplomasya at mapayapang paguusap.
Ang pulong aniya na ito ng dalawang lider ay patungo sa kapayapaan, seguridad at istabilidad hindi lang sa rehiyon kundi sa buong mundo.
Sinabi ni Roque na ang naganap na pulong kahapon sa pagitan nila Trump at Kim tumatak na sa kasaysayan pero ito pa lamang ang unang hakbang para sa proseso patungo sa kapayapaan.
Kaya naman binigyang diin ni Roque na handa ang Pilipinas na suportahan ang anumang hakbang para maging mabunga ang unang pag-uusap nila President Donald Trump at North Korean Leader Kim Jong-un.