Manila, Philippines – Tiniyak ng Malacañang na hindi minadali ang pagsasabatas ng Bangsamoro Organic Law o BOL.
Ito ang sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque bilang paliwanag sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na bukas siya sa mga suhestiyon para amiyendahan ang kalalagda lamang na BOL.
Matatandaan kasing sinabi ni Pangulong Duterte na kung mayroong sektor na hindi tatanggap o magiging satisfied sa BOL ay bukas siya na amyendahan ito.
Ayon kay Roque, dumaan naman sa maraming konsultasyon ang BOL pero alam naman ng lahat na maraming taga-Sulu ang hindi pabor na maging kabahagi ng Bangsamoro region pero nagbabago na ito ngayon.
Maraming beses na aniyang binisita ni Pangulong Duterte ang Jolo, Sulu at ibig sabihin lang nito ay gusto ng Pangulo na tumulong sa mga residente doon at magkaroon ng pangmatagalang kapayapaan sa Bangsamoro kabilang na ang Sulu.