Manila, Philippines – Makikipagtulungan pa rin ang Philippine National Police (PNP) sa isinasagawang pagdinig ng senado kaugnay sa 58 milyong pisong subsistence allowance na hindi naibigay sa mahigit 4,000 SAF troopers simula taong 2016 hanggang 2017.
Ayon kay PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde ipinauubaya na nila sa Office of the Ombudsman at Senado ang imbestigasyon sa kaso.
Ang magagawa lamang aniya ng PNP sa ngayon ay suportahan ang nangyayaring imbestigasyon.
Mapa-kasong kriminal o administratibo man ang maaring kaharapin ng mga akusado sa kaso ay nangangako si General Albayalde na makikipagtulungan sila sa imbestigasyon.
Kahapon ay nagturuan at nagsisihan ang mga dating opisyal ng Philippine National Police Special Action Force o PNP-SAF sa isinagawang pagdinig ng committee on public order na pinamumunuan ni Senator Panfilo Ping Lacson.
Paliwanag ni dating PNP SAF Head Police Director Benjamin Lusad, hindi niya alam na hindi naibibigay sa SAF troopers ang kanilang dagdag na allowance na hawak ni dating SAF Budget Officer Police Senior Superintendent Andre Dizon.