Manila, Philippines – Siniguro ng pambansang pulisya ang seguridad ni Ozamiz City Councilor Ricardo Ardot Parojinog.
Ito ang sinabi ni PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde sa harap na rin ng napipintong pagbabalik bansa ni Parojinog mula Taiwan.
Sa kabila aniya na walang nakikitang banta ang pambansang pulisya sa buhay ni Ardot, sinabi ni Albayalde na bibigyan nila ito ng sapat na seguridad.
Naniniwala si Albayalde na malaki ang maitutulong sa kanilang ginagawang imbestigasyon si Ardot lalo at ito ang sinasabing kanang kamay ng yumaong Ozamiz City Mayor Reynaldo Projinog Sr. na napatay sa operasyon ng PNP noong isang taon.
Ito rin ang nakikitang dahilan ni Albayalde para manatiling ligtas at buhay si Ardot maliban pa sa kailangan itong mapanagot sa batas.
Inaasahang tutulak patungong Taiwan ngayong araw ang three man team ng PNP buhat sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), intelligence group at mula sa DIDM o Directorate For Intelligence and Detection Management para sunduin si Ardot sa Taipei, Taiwan para maiuwi na ito sa Pilipinas sa lalong madaling panahon.
Hindi man itinanggi o kinumpirma ni Albayalde kung anong oras darating sa Pilipinas si Ardot, pero sinabi nitong isasailalim agad ito sa booking procedure base na rin sa sinasabi ng batas.