Manila, Philippines – Tiniyak ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Senator Richard Gordon ang imbestigasyon ukol sa iba pang kontrobersya sa Department of Tourism o DOT sa ilalim ng pamumuno ni dating Secretary Wanda Teo.
Kabilang dito ang Buhay Carenderia Food Tourism Project kung saan kumita umano ng 80-million pesos si dating Tourism Promotions Board o TPB Chief Operating Officer Cesar Montano.
Ayon kay Senator Gordon, sa gagawing pagdinig ay papaharapin niya rin ang aktor.
Magugunita na nauna ng itinuro ni Montano si Teo na nagpakilala sa kaniya sa organizer ng proyekto at nagtulak umano ng malaking pondo para dito.
Bukod dito ay binanggit ni Gordon na iimbestigahan, ang umano ay pamimili ni Teo sa duty free ng halagang 2.5-million pesos na mamahaling bag, cosmetics, chocolates, appliances at iba pang kagamitan.
Base sa report ng Commission on Audit o COA, ginastos umano ni Teo dito ang share ng DOT sa annual net profit o kita ng duty free.