Manila, Philippines – Tiniyak ni House Speaker Gloria Arroyo na ipaprayoridad ng mababang kapulungan ang pag-apruba sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN 2.
Ayon kay Arroyo, hindi siya magtatakda ng deadline sa pagpapasa ng TRAIN 2 pero ito ay kanyang pinatututukan sa mga mambabatas para makatulong sa reporma sa pagbubuwis.
Sa pagdinig ng House Ways and Means Committee sinabi ni Department of Finance Undersecretary Karl Chua, na sa ilalim ng TRAIN 2 ay aalisan ng tax incentive ang mga negosyo na sa tingin nila ay hindi nangangailangan ng tulong at proteksyon ng gobyerno tulad ng mga call center company.
Pero giit ni Philippine Economic Zone Authority o PEZA Atty. Francis Brillante, na hindi ito magadang balik para sa industriyang malaki ang naiambag sa bansa.
Nilinaw ni Deputy Speaker Raneo Abu na hindi makakabigat sa publiko ang TRAIN 2.
Aniya, suportado nila ang pagtulong sa mga nagsisimula pa lamang na kumpanya pero kailangang taningan ito para hindi pangmatagalan ang pagbibigay ng insentibo.