SISIGURADUHIN | Subpoena power ng PNP Chief, hindi maaabuso – Malacañang

Manila, Philippines – Naniniwala ang palasyo ng Malacañang na hindi maaabuso ng Philippine National Police (PNP) ang kapangyarihang ibinigay dito na maglabas ng subpoena at subpoena duces tecum.

Matatandaan kasi na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang republic act number 10973 na nagbibigay ng kapangyarihan sa PNP chief at sa director at deputy director for administration ng Criminal Investigation and Detection Group o CIDG ng PNP na maglabas ng subpoena at subpoena duces tecum para sa mga indibidwal na konektado sa isang kasong kanilang iniimbestigahan.

Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, malinaw naman ang intension ng batas at ito ay para palakasin pa ang investigation powers ng PNP.


Nilinaw din naman ni Roque na tatlong matataas na opisyal lang naman ng PNP ang maaaring maglabas ng subpoena at ang mga ito ang hepe mismo ng PNP, at director at deputy director for administration CIDG.

Pero sinabi din naman ni Roque na ang power to contempt ay nasa hukuman parin dahil ang hindi aniya tatalima sa subpoena ng PNP ay kailangan paring isampa sa korte para maisailalim sa contempt.

Ang sagot na ito ng Malacañang ay sa harap narin ng pangamba ng ilang sector na baka maabuso ng PNP ang bagong kapanyarihan na iginawad sa kanila ng batas.

Facebook Comments