Umapela si House Deputy Speaker Pia Cayetano na tigilan na ang batuhan ng sisi dahil sa paglaganap ng tigdas sa ilang rehiyon sa bansa.
Giit ni Cayetano, sa halip na magsisihan ay makabubuting gawin ng pamahalaan ang lahat para maibalik ang tiwala ng mga magulang sa vaccination program.
Dapat aniya ay gawin ng pamahalaan ang lahat ng makakaya para maipanumbalik ang tiwala ng mga magulang sa mga proyektong bakuna ng gobyerno.
Nakakabahala aniya na dumarami ang namamatay sa tigdas kaya dapat na madaliin na ng pamahalaan ang pag-aksyon dito.
Panawagan ni Cayetano sa Department of Health na gawing mas epektibo ang information campaign kaugnay sa immunization.
Ikinababahala ng kongresista ang lumabas sa pag-aaral ng London School of Tropical Medicine and Hygiene noong 2018 hinggil sa Vaccine Confidence Project kung saan 20% lamang ng mga Pilipino ang nagsabing ligtas at mabisa ang mga bakuna.