Manila, Philippines – Ipinasusumite ng House Committee on Good Government sa PCSO ang listahan ng mga kongresista na tumatanggap ng pondo mula sa kita ng Small Town Lottery (STL).
Nakasaad sa batas na 7% ng revenue ng STL sa isang distrito ay mapupunta sa legislative district.
Ayon kay Camarines Sur Rep. Gabriel Bordado, dapat na alamin kung nakaka-avail ang mga Kongresista ng alokasyon mula sa STL para sa kanilang mga constituents.
Sinegundahan naman ito ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate at sinabing hindi na nakapagtataka na patuloy ang sugal sa mga distrito dahil ang PCSO ay para lamang namumudmod ng pera sa mga mambabatas.
Mabilis namang dumipensa dito sina Misamis Occidental Rep. Henry Oaminal at Quezon City Rep. Winston Castelo at iginiit sa komite na hindi sila tumatanggap ng kahit singko mula sa STL at tutol sila sa mga operators nito.