Manila, Philippines – Inihayag ngayon ni Labor Secretary Silvestre Bello III na makaka-alis na ulit patungong Kuwait simula sa susunod na linggo ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sa pagdinig ng Committee on Labor ay idinetalye din ni Bello ang nakapaloob sa naiselyong Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait para sa kapakanan ng mga OFWs.
Bumuo na rin aniya ng joint committee na may kinatawan mula sa mga opisyal ng Pilipinas at Kuwait na magmomonitor sa mga OFWs.
Giit naman ni Committee Chairman Senator Joel Villanueva, dapat matiyak na masusunod ang nilalaman ng MOU, tulad ng pagkakaroon ng hotline para sa mga OFWs, hindi pagkumpiska sa kanilang mga passport, sapat na oras ng pagtulog nila at day-off na isang beses sa kada linggo.
Samantala, idininaan naman ng komite sa executive session ang pagtalakay sa kontrobersyal na rescue mission sa ilang OFWs sa Kuwait at ang pagkalat sa social media ng video ukol dito.
Ayon kay Senator Villanueva, binusisi sa executive session ang protocols sa pagrescue sa mga inaabusong OFWs at ang protocols din sa paglalabas ng impormasyon ukol dito.