Manila, Philippines – Sisimulan na ng Senado na isalang sa plenary debates ang panukalang batas na naglalayong ipagbawal ang political dynasty.
Ito ay matapos ihain ni Senador Kiko Pangilinan, chairman ng senate committee on constitutional amendments and revision of codes ang committee report no. 367 na produkto ng mga pagdinig ukol sa political dynasty.
Sa panukala, bawal magsunod-sunod at magsabay-sabay ang magkaanak na hanggang second civil degree of consanguinity at affinity.
Saklaw nito ang asawa, magulang, kapatid – half o full blood, at mga anak – lehitimo, hindi lehitimo at ampon.
Ayon kay Pangilinan, panahon nang sundin ang pagbabawal ng konstitusyon sa political dynasty.
Giit pa ni Pangilinan, ito ang hinihingi ng publiko at hindi ang charter change, no elections at term extension.